Ang pagkaing Pilipino ay salamin ng kanyang kanyang kasaysayan at heograpiya. Ang katutubong pagkaing Pilipino ay naimpluwensiyahan ng kultura ng mga taong kanyang nakasalamuha. Ang uri ng pagkaing Pilipino ay bunga rin ng tubig na nakapaligid sa bansa at sa matatabang lupain ng bansa. Ang bakas ng halos 400 taong pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas ay makikita at malalasahan sa napakaraming pang-araw-araw o pampiyestang pagkaing Pilipino.
Ang paggisa ng bawang, sibuyas, at kamatis ay natutunan ng mga Pilipino sa Kastila. Ang paghanda at pagluto ng mga pampiging na pagkain tulad ng relyeno, paella, embutido, at kaldereta ay nakuha rin sa mga Kastila. Ang impluwensiya ng Intsik ay makikita sa iba’t ibang pansit tulad ng bihon, canton, miki, sotanghon, lomi, mami, ay miswa. Ang iba pang pagkaing nakuha ng mga Pilipino sa Intsik ay ang hopya, lumpya, ay syopaw. Makikita ang impluwensiya ng Indonesia, Malaysia, at Thailand sa mga pagkaing linuto sa gata na may sili, at sa maraming mga minatamis. Mga halimbawa ay biko at suman na gawa sa malagkit na bigas, linuto sa gata at asukal, at binalot sa dahon ng saging. Ang bibingka, puto, at kutsinta, naman ay galing sa harinang bigas. Sa mga Amerikano nakuha ng mga Pilipino ang bistik. Ito ay karneng hiniwa ng manipis. Pagkatapos na maibabad sa toyo at kalamansi, ito ay piniprito at sinasahugan ng piniritung sibuyas. Sa mga Italyano ay nakuha ng Pilipino ang pagluto ng ispageti; sa Hapon ay ang pagluto ng mga pagkaing galing sa dagat.
Sapaka’t napapaligiran ang Pilipinas ng tubig, ang pagkaing Pilipino ay binubuo ng isda at mga sariwang-sariwang pagkaing galing sa ilog o dagat. Hipon, alimango at alimasag, talaba, suso ay karaniwang pagkaing Pilipino na sinasamahan ng iba’t ibang sawsawan. Ang mga pagkaing dagat palibhasa’y sariwa ay linuluto lamang sa suka (kilawin) o kung hindi ay iniihaw na kung minsan ay may kasamang kamatis at sibuyas na binalot sa dahon ng saging. Dahil din sa matatabang lupain sa bansa, maraning gulay sa Pilipinas. Maraming paraan ng pagluluto ang ginagawa ng mga Pilipino sa gulay, tulad ng dinendeng, ginataang gulay, ginisang gulay, at pansahog sa karne at isda.
Anumang lutuing pagkain ang natutunan ng Pilipino sa ibang bansa ay kanilang naiakma sa kanilang katutubong panlasa at sa bandang huli ang mga ito ay natatawag na pagkaing Pilipino.
|
|
No comments:
Post a Comment